SA PANGALAWANG PAGKAKATAON

Nanginginig akong nakatayo sa malaking lumang pintuan. Kabado. Namumutil ang pawis. Pero ito na to. Ito na talaga at wala na itong atrasan pa.

Unti-onti ng bumubukas ang malaking lumang pintuan sa aking harapan. Yumuko akong nakangiti kahit nanginginig. Kasaba’y nito, ay dahan-dahan ko namang iniangat ang masayang mukha ko.

Bukas na ang pintuan. Nakangiti akong naluluha sa saya. Hindi ko maipaliwanag. Basta.

Nagtataka. Nanlaki ang aking mga mata.

Bakit ganon? Walang mga nakangiting mata na nagagalak akong makita? Bakit ganon, hindi ba sila Masaya? Bakit ganon, naiiyak sila? Bakit ganon, umiiyak sila?

Pero naglakad padin ako. Naalala ko kasi yung sinabi mo, na wag akong magpapaapekto sa paligid ko. Kaya naglakad padin ako.

Dahan-dahan. Bawat yapak, tapak, at hakbang ko papunta saiyo, dinadama ko. Masaya, kasi ito na yung araw na pinakahihintay ko. Masaya ako kasi ito na yung araw na sinabi mong inantay mo. Masaya ako kasi ito na yung araw na magiging isa na tayo. Sa wakas!

Naglalakad padin ako. At umiiyak padin sila. Nakaka-asar na!

Pero naglakad padin ako. Hindi ko sila pinansin. Hindi ko sila inisip. Hindi ko sila inintindi. Kasi ikaw lang yung nasa isip ko, kaya nagpatuloy padin ako sa paglalakad ko.

Muli, sa paglalakad ko, wala akong makitang saya. Wala akong maramdamang ligaya. Wala akong nakikitang Nagsasaya. Wala akong maramdamang ni isang taong maligaya. Araw ko to, bakit umiiyak sila? Araw mo to, bakit, bakit sila ganyan! Bakit hindi sila natutuwa.

Araw natin to, bakit wala ka? Nasaan ka? Nasaan ka bakit hindi kita Makita. Bakit wala ka dun sa dulo? Diba dapat nadoon ka? Dapat nandoon ka, nag-aantay. Nagagalak. Naiiyak. Ang tagal ko ba?

Nagkusang huminto ang dalawang paa ko. Hindi ko na sya naihakbang pa. May bigla akong narinig na pamilyar na boses galing saking likuran, lumingon ako…

____________________________________________________________________________________________

Tama na Mahal. Tama na, tumigil kana.

Kanina pa kita pinagmamasdan mula dito sa iyong likuran. Nakita ko kung paano ka bumaba ng sasakyan. Nakita ko kung paano ka naluha sa saya. Nakita ko kung paano ka nagtaka sa iyong nakita. Nakita ko lahat.

Pero sa lahat ng nakita ko, isa lang ang masasabi ko. Mahal, ang ganda mo. Sobrang ganda mo. Bagay saiyo yang suot mo. Para kang bulaklak tapos ako yung paru-parong hindi makalapit. Nasa malayo nagmamasid.

Mahal, Patawad.

Patawad kung inisip mo na iniwan kita.  Patawad kung pagdating mo wala ako doon sa dulo. Patawad, pero maniwala ka sinubukan ko.

Sinubukan kong lumaban. Sinubukan kong lumaban para saiyo. Sinubukan ko, para tuparin lahat ng pangako ko saiyo. Maniwala ka sinubukan ko.

Pero wala na akong nagawa. Bigla nalang tumahimik ang mga nagkakagulong boses sa aking paligid. Hindi ko na alam ang nangyayare. Wala na kong nagawa. Tumigil na pala. Tumigil na pala ang puso ko sa pagtibok. Pero maniwala ka, sinubukan ko. Kaso wala na akong nagawa, patawad kong hanggang dito nalang pala.

Mahal, alam kong masakit. Pero sana sa paglipas ng mga oras makalimutan mo ako. Itapon mo lahat ng sakit. Kung gusto mong itabi ang mga masasayang alaala, sige. Pumapayag ako.

Alam kong masakit, pero pakiusap. Katulad ng mabilis na paglipas ng araw, isabay mo ang lahat ng bagay na nagpapaiyak sayo, isa na ako doon.

Alam kong masakit, pero dapat mong kayanin to. Hindi ko nadin naman kailangan pang ulit-ulitin pa sayo to, kasi alam ko namang kaya mo. Alam kong kakayanin mo.

Naalala ko tuloy yung, unang araw na nakita kita. Hindi sya katulad ng settings sa mga pelikula. Yung tipong lilipad-lipad yung buhok, hindi. Hindi ganon. Malayo. Kasi mainit nung mga oras na yun, tirik ang araw, pero nakakamangha kasi hindi mo ito alintana.

Nakatitig lang ako sayo nung araw na yon. Wala akong ibang naririnig kundi ang yapak ng iyong dalawang paa. Wala akong ibang nakikita kundi ang nangungusap mong mga mata. At higit sa lahat, wala akong ibang gustong maramdaman nung mga oras na yun, kundi ang tibok ng pusong mong hindi ko alam kung meron nabang ibang laman. Kaya nagdasal ako. Sana wala. Ang saya kasi, wala nga.

Ngayon wala na.

___________________________________________________________________________________________

Sa paglipas ng pahanon, hindi ko na alam ang pagkakaiba ng umaga sa hapon. Basta parehas silang maliwanag, ayun na yun.

Nagising ako sa lamig na dala ng nagwawalang hangin. Pakiramdam ko, para akong niyayakap ng kahapon. Pero nagpasya akong buksan ang bintana, kasabay nito ay ang paggaan ng aking pakiramdam.

Umaga na pala.

Hindi ko maipaliwanag pero nakaramdam ulit ako ng saya. Ang gaan ng aking pakiramdam. Para akong lumulutang sa ulap habang nakaupo sa aking magulong higaan. Parang batang akap-akap ang dating basang-basa kong unan.

Kung dati’y takot na takot akong buksan ang pintuan palabas, ngayon atat na atat naman akong lumabas at gusto kong tumakbo sa malayo pero hindi para lumayo. Kundi para yakapin ang bawat butil, piraso, gramo ng nararamdam kong hindi pangkaraniwang saya. Hindi maipaliwanag. At kung bibigkasin ko ito gamit ang tatlong salita, “Ako’y handa na”.

____________________________________________________________________________________________

Araw-araw kitang pinagmamasdan mula dito sa malayo. Gabi-gabi kitang binabantayan hanggang sa ikaw ay makatulog at nagdadasal na sana paggising mo, wala na sa isipan mo ang malungkot na kahapon.

Lagi kong hinihiling sa Diyos na bilisan ang pagpalit ng araw at buwan. Gawin nyang dalawang buwan ang dalawang oras. Palitan nya ng matamis na ngiti ang balde-balde mong luha. Gawin nyang Masayang muli ang malungkot mong magandang mukha.

Sinabi ko pa nga sakanya na gagamitin ko ang aking kamay para paikutin ng mabilis ang mga oras. Yung sa sobrang bilis, hindi mo na lang mamamalayan na nakakatawa kana pala. Huwag kang mag-alala hindi ako magtatampo kung nakalimut kana. Huwag kang mag-alala inasahan ko na ito dati pa.

At katulad ng inaasahan ko, asahan mo din sana ang pagdating nya. Paghandaan, salubungin, at yakapin ang panibagong istorya na dala ni Tadhana.

Oo walang kasiguraduhan, pero wag ng pagispan.

Kung naramdaman mong tumibok sa pangalawang pagkakataon yang puso mo. Huwag mo itong katakutan, harapin mo.

Kung pakiramdam mo na gustong humakbang muli ng mga paa mo patungo sakanya.  Huwag kang matakot, ihakbang mo.

Kung maramdaman mo sa pangalawang pagkakataon na huminto ang oras at mga tao sa paligid mo, Ipikit mo ang mga mata mo at damahin ito.

Ngayon, nakangiti akong nakatitig sayo. Ayoko sanang maglaho pero nararamdam ko may papalit na sa posisyon ko. Ayoko munang kainin ako ng liwanag, gusto ko syang pigilan pero ito na ang tamang oras. Hindi para sa akin kundi para sayo.

Sa wakas!

Ayan na sya, nakikita ko. Naglalakad patungo sayo. Lumabas ka at salubungin mo sya

____________________________________________________________________________________________

Kakaiba ang nakitang kong liwanag sa kalangitan. Habang tinitignan ko sya lumuluwag naman ang aking paghinga.

Kung dati’y, ako’y sakal na sakal at parang masusuka, ngayon hindi na. Kung dati’y, takot akong iharap ang sarili ko sa salamin dahil gusto ko pang damahin ang sakit, ngayon hindi na. Kung dati’y, Parang gusto kong ilubog ang sarili ko para makasama ka, ngayon hindi na. Kung dati’y, nasasabi kong hindi ko kaya, ngayon hindi na. Kasi kaya ko na.

At sa pangalawang pagkakataon, nararamdaman kong paglalaruan na naman ako ni Tadhana. Narinig niya siguro yung pagbigkas ko ng salitang “Ako’y handa na”.

Hindi ito biro pero, handa na akong buksan ang panibago kong pahina. Hindi ito biro, pero handa na akong yakapin ang nagbabadyang sakit at saya sa aking panibagong storya.

Istorya na Ikaw at Ako ang bida at si Tadhanan naman ang kontrabida. Pero lalabanan natin sya.

Sa pagdating mo, oo handa na ako. Pero gusto ko lang ipaalala sayo na, sa pangalawang pagkakataon ipapahawak kong muli ang puso ko. Hindi dahil gusto ko, kundi dahil ikaw ang pinipili ko. Kaya kung nagdadalawang isip kang ibuka at iabot ang iyong kamay, umatras kana o lumiko ka, at wag ng magpakita pa.

Pero kung sa pagliko mo, at nandun ako nakatayo. At nakaramdam ka ng kakaiba, lumapit ka at tumingin ka sa aking mga mata.

Wala mang nakasulat na ikaw ang tamang tao, at ito naman ang tamang oras sa kwento, hindi ako matatakot na iabot ang nanlalamig kong kamay. Dahil alam kong pinaghandaan mo din ito.

Hindi biro ang mabigyan ng pangalawang pagkakataon, kaya sana sa pagdilat ko, Nakahawak na ang kamay mo sa kamay ko.

At sabay nating pasasaluhan ang  kwentong si Tadhana lamang ang may alam.

-End-

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s