PAGPILI

Isa, dalawa, tatlong minuto.

Apat, lima, anim na oras.

Pito, walo, siyam na buwan. Nadagdagan pa ng tatlo, isang taon… pumikit ako, ayoko na. Naluluha ako, parang ayoko na.

Paulit-ulit kong tinanong ang aking sarili, kaya mo pa ba? Ako naman si tanga, sasagot “Oo, kaya ko pa, kaya ko pa, diba?”. Kahit sa tuwing susubukan kong tumingin sa paligid, palingon palang ako, ramdam ko na ang pag-iling nila. Yung sabay-sabay, paulit-ulit, nakakarinding “Tama na, sumuko kana. Isuko mo na sya”.

Pero hindi, hihigpitan ko at mas hihigpitan ko pa ang paghawak sa manhid mong kamay. Oo, dinig na dinig ko sila… Pero hindi, sasamahan kita at hindi ako mapapagod sa pagupo sa tabi mo. Sasamahan kita. Hindi ako bibitaw. Mag-aabang ako…

Mag-aabang ako sa muling pag ngiti ng mga mata mo. Kahit ang tagal na, malinaw padin sakin ang magandang… hindi pala magandang ala-ala. Ang ala-alang nagdala sayo sa ganito.

Siguro napapaisip kayo, kung ano ba talaga itong pinaglalaban ko. Kung meron bang Siya o wala. Oo, merong Siya. Pero parang wala.

April 18, 2016… Nung huling beses kong narinig ang boses mo sa likod ng telepono. Nagbibiruan pa tayo. Yung Ikaw na, hindi ikaw na. Parang hayskul na nagtuturuan kung sino ang unang puputol ng linya.

Yung bago pa natin matapos yung bilang ng tatlo, minadali mo pang sabihin yung “Love, mahal kita”, tapos naputol na. Nakangiti lang ako.

Wala pang alas sais nakabihis na ako. Gusto ko sanang magpahuli, pero sabi ko hindi. Mamaya ko nalang Siya iinisin. Gusto kong mauna para makita ko yung ngiti mong abot tenga. Gusto kong masaksihan yung paglalakad mo papunta sa nag-aantay na Ako. Yung detalye ng mabagal na paghawi mo sa nagugulong buhok mo. Yung mabagal na pagpikit ng mga mata mo. Yung sa sobrang bagal, ultimo hangin nauunahan mo.

Isa, dalawa, tatlong minuto.

Apat, lima, anim na oras.

Pito, walo, siyam na buwan. Nadagdagan pa ng tatlo, isang taon… “Love, isang taon na”. Pumikit ako, bumalik ka na. Naluluha ako, nag-dasal, gumising kana.

Kahit igalaw mo lang yung kanang kamay mo na hawak ko. Kahit hindi kasing higpit ng ng tulad ng sa akin, basta igalaw mo. Buhayin mo lang yung salitang pinaniniwalaan ko, na babalik ka. Babalik ka diba?

Pero luha ang sagot na ibinigay mo. Alam kong nahihirapan ka, pero hindi ito ang sagot sa tanong ko. Ayokong malaman dahil “Oo babalik ako”, ang gusto ko lang na sabihin mo. Mag-aantay at mag-aantay lang ako kapag dinugtungan mo pa ng “Saglit nalang”.

“Oo, babalik ako, saglit nalang”,  yung gusto kong iparamdam mo.

Pero wala na, talo na yata ako. Hindi pa ko handang pumili, nakapili kana. Hindi pa ko handang bumitaw, nakabitaw kana pala. Matagal na.

Gusto kong magalit sayo, dahil maka-sarili ka pero bakit ganito? Nakakahinga ako ng maluwag? Yung sa madamot na patak ng luha na ibinigay mo, gumaan ang pakiramdam ko…

Ito na ba? Siguro ito na nga. Hindi. Oo, ito na nga.

Masakit. Pero sige… Pinipili ko na, yung pinili mo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s